August 29, 2005

Bosing

Hindi ko alam kung bakit, pero lagi akong nahahandle ng mga boss na publicly perceived na mga terror. Ang aking Dean ngayon sa FEU, ang aking senior partner noon sa SGV, maging si Sir Edru ng Kontra-Gapi. Maraming mga kakilala ko ang nangingilag sa kanila at natatakot. Nape-perceive silang mga slave driver, mga mabababa ang EQ at dictatorial.

Pero ako, nagpapasalamat ako sa pagdaan ko sa palakad nila. Nakatanggap rin ako ng "masakit na pananalita," pero hindi naman talaga masakit iyon dahil alam ko na oportunidad ko lang naman iyon para matuto sa kanilang criticism. At ang anumang sinabi nila sa akin, alam kong trabaho lang iyon, walang personalan. Sa totoo lang, ang laki ng aking utang na loob sa kanila dahil ang laki ng naitulong nila sa paghubog ng katauhan ko ngayon.

Bakit naman naging topic ko ito ngayon? Kasi, muli na naman akong nakarinig ng mga resentment sa aking mga bosing (at mga naging bosing) mula sa iba't iba kong mga kaibigan na napailalim rin sa kanila. Nakakainis makinig sa ganung mga usapan dahil marami sa kanilang mga bulag sa katotohanang ang daming opportunities na nabuksan sa kanila dahil sa aming mga bosing na patuloy na nagturo at nagsikap na maabot namin ang pinakamataas naming kayang maabot. Di miminsang ginusto kong itanong sa kausap ko, "Saan ka ba pupulutin kung di ka dumaan kay ____?"

Pero nakakahiya mang aminin, madalas ako ay nananahimik na lang at di ko nakakayang ipagtanggol ang aking mga bosing.

"It's lonely at the top," ayon sa isang kasabihan. Sana, bago pa mahuli ang lahat, masabi ko sa mga bosing ko, "Salamat."

No comments: